ANG MISA NG SAMBAYANAN
Sa Kaarawan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia
PASIMULA
Pari: SA NGALAN NG AMA, AT NG ANAK, AT NG ESPIRITU SANTO.
Bayan: Amen.
Pari: MGA KAPATID, AMININ NATIN ANG ATING MGA KASALANAN UPANG TAYO’Y MAGING MARAPAT GUMANAP SA BANAL NA PAGDIRIWANG.
P & B: Inaamin ko sa makapangyarihang Dios at sa inyo, mga kapatid, na lubha akong nagkasala sa isip, sa salita at sa gawa, at sa aking pagkukulang; Kaya isinasamo ko sa Mahal na Birheng Maria, sa lahat ng mga anghel at mga banal at sa inyo mga kapatid, na ako'y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.
Pari: KAAWAAN TAYO NG MAKAPANGYARIHANG DIYOS, PATAWARIN ANG ATING MGA KASALANAN, AT PATNUBAYAN TAYO SA BUHAY NA WALANG HANGGAN.
Bayan: Amen.
Pari: PANGINOON, KAAWAAN MO KAMI.
Bayan: Panginoon, kaawaan Mo kami.
Pari: KRISTO, KAAWAAN MO KAMI.
Bayan: Kristo, kaawaan Mo kami.
Pari: PANGINOON, KAAWAAN MO KAMI.
Bayan: Panginoon, kaawaan Mo kami.
GLORIA
Papuri sa Diyos sa kaitaasan
at sa lupa'y kapayapaan
sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin, dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin, ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka namin
dahil sa dakila Mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak.
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama. Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, tanggapin Mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, maawa ka sa amin. Sapagka't ikaw lamang ang banal
Ikaw lamang ang Panginoon,
Ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.
Panalanging Pambungad
Pari: MANALANGIN TAYO…
O PANGINOON,
IPAGKALOOB MO SA IYONG MGA ANAK
ANG BIYAYA MONG MAKALANGIT.
ANG MAHAL NA BIRHEN,
BIRHEN NG PEÑAFRANCIA,
AY NAGSILANG SA IYONG ANAK,
NA NAGDULOT SA AMIN NG KALIGTASAN. SA KANYANG KAPISTAHAN, MATAMO SANA NAMIN ANG KAPAYAPAAN.
ALANG-ALANG SA ANAK MO,
SI JESUCRISTONG PANGINOON NAMIN,
NABUBUHAY AT NAGHAHARING
KASAMA MO AT NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN.
Bayan: Amen.
LITURHIYA NG SALITA NG DIYOS
Unang Pagbasa Genesis 3:9-15
Matutunghayan natin sa unang pagbasa kung papano sinuway ng tao ang kalooban ng Diyos. Dahil dito, ang tao ay nahulog sa kasalanan, subalit ang Panginoong Diyos ay nangako ng isang pag-asa na magsusugo nga tagapagligtas sa pamamagitan ng isang babae – si Birhen Maria na Ina ni Hesucristo. Siya ang kasama natin sa pagsugpo sa mga kasamaan na dolot ng demonyo at siya ang ating gabay patungo sa kabutihan.
Pagbasa sa Aklat ng Genesis
Datapwa’t tinawag ni Yahweh ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?” “Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki. “Sinong may sabi sa inyong hubad ka?” tanong ng Dios. “Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?” “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki. “Bakit mo naman ginawa Iyon?” tanong ng Dios sa babae. “Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya. At sinabi ni Yahweh sa Ahas: “Sa Iyong ginawa’y may parusang dapat, na tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.”
Ang Salita ng Diyos.
Salmong Tugunan Salmo 97:1, 2-3ab, 3kd-4
Sagot: Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.
1. Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay, Pagka’t yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay! Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan, Walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
2. Ang tagumpay niyang ito’y siya rin ang naghayag, sa harap ng bansa’y nahayag ang pagligtas. Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
3. Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas. Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas! Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig; Ang Poon ay buong galak sa purihin sa pag-awit!
Ikalawang Pagbasa Pahayag 11:19; 12:1-6
Sa ikalawang pagbasa, matutunghayan natin ang katapusan na pangako ng Panginoong Diyos na isusugo s aatin ang tagapagligtas na isisisilang ng isang babae. Gayun din, makikita natin kung gaano kabigat ang tungkulin ng isang ina sapagkat siya ay kinakalinga ng Panginoong Diyos. Si Birhen Maria, sa pamamagitan niya, ang ipinangako na magdadala ng kaligtasan sa sangkatauhan, ito ang kahulugan ng dalawamput-dalawang bituin sa kanyang ulo.
Pagbasa mula sa Pahayag
Nabuksan ang templo ng Dios sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan. Pagkatapos ay gumuhit ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Narinig ang malalakas na ingay, lumindol, at umulan ng yelo. Kasunod nito’y lumitaw sa langit ang isang kagila-gilalas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya’t napapasigaw siya sa matinding sakit at hirap. Isa pang tanda ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito’y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Sinaklot ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga Iyon sa lupa. Pagkatapos ay tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang. At ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Dios, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ang babae naman ay tumakas patungo sa ilang, sa isang dakong inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
Ang Salita ng Diyos.
Ebanghelyo Lucas 2:27-35
Pari: SUMAINYO ANG PANGINOON.
Bayan: At sumainyo rin.
Pari: PAGBASA SA BANAL NA EBANGHELYO AYON KAY SAN LUCAS.
Bayan: Luwalhati sa Iyo, Panginoon.
Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon (ng kanyang mga magulang) ang sanggol na si Jesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Dios, na ang wika, “Kunin Mo na, Panginoon, ang Iyong abang alipin, ayon sa Iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang Iyong pagliligtas, na inihanda Mo para sa lahat ng bansa: Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, at magbibigay-karangalan sa Iyong bayang Israel.” Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Dios ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Bayan: Pinupuri ka namin Panginoong Jesucristo.
CREDO
Sumasampalataya ako
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay Hesukristo,
iisang anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na muli. Umakyat sa langit. Naluluklok sa kanan
ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen.
Panalangin ng Bayan
Pari: AMANG MAKAPANGAYARIHAN AT WALANG HANGGAN, IBINIGAY MO SA AMIN ANG KABANAL-BANALANG BIRHENG MARIA UPANG AKAYIN KAMI PATUNGO SA IYONG MAHAL NA ANAK. INAALAY NAMIN ANG AMING MGA PANALANGIN UPANG KAMING LAHAT AY MAKAISA MO SA IYONG MAKALANGIT NA KAHARIAN SA PAGMAMAHAL NG AMING BANAL NA INA. KASAMA NIYA, ITINATAAS NAMIN SA IYO ANG AMING PAGSAMO:
Sagot: PURIHIN KA O DIOS, SA PAGBIBIGAY MO SA AMIN NG AMING INA
1. Makapangyarihang Dios, sa tulong ng Iyong grasya, si Maria ay nagging matapat na alagad Mo. Gabayan Mo ang aming Santo Papa, si BENITO, ang aming mga obispo, si LEONARDO at JOSE at lahat ng mga obispo, mga pari at mga relihIyoso, sa kanilang sumpang buhay ng tunay na pagsunod sa Iyo. Manalangin tayo.
2. Makapangyarihang Dios, nilikha Mo kaming isang bayan na totoong nananalig sa kabanal-banalang Birheng Maria. Gabayan Mo ang lahat ng namumuno sa aming pamahalaan upang paglingkuran nila ang mamamayang Pilipino tungo sa tunay na pag-unlad at pagkakaisa. Ilayo Mo sila sa mga gawang pagkakasala tulad ng inhustisya, pandarambong at hindi pagkakaisa. Manalanging tayo.
3. Makapangyarihang Dios, ibinigay Mo sa amin si Birheng Maria bilang aming ina na umaagapay sa aming pisikal, material at ispiritual na pagkabuhay. Akayin Mo ang lahat ng dumaranas ng pagsubok sa kanyang pag-antabay, pag-gabay, pagkalinga at paghaplos; ang kanyang pag-ibig nawa ang magtulak sa atin upang umagapay at manalangin lalo na sa mga mahihirap at may karamdaman, sa mga bata at mga kababaihan, sa mga walang trabaho at walang matirahan. Manalangin tayo.
4. Makapangyarihang Dios, patuloy Mong ipinapakita ang Iyong walang hanggang pag-alaga sa mga mamayang Bikolano na Iyong inilagay sa ilalim ng pagkalinga ni Nuestra Señora de Peñafrancia. Nawa ang aming mapagkalingang Ina ang magpalakas sa amin tungo sa mas matatag na pananalig sa Iyong makalangit na pag-ibig at sa walang sawang paglilingkod sa Iyong Mahal na Anak. Manalangin tayo.
5. Makapangyarihang Dios,sa pamamagitan ng kanyang FIAT, niloob Mong ang kabanal-banalang Birheng Maria ay maging tanda ng pagkakaisa ng lahat ng nananampalataya. Panatilihin Mong ang lahat ng nag-dedebosyon sa Birhen ng Peñafrancia ay maging isa sa pagsamba sa Iyong pangalan at sa pagpalaganap ng Cristianong pananampalataya upang ang lahat ay sumampalataya at magkaroon ng kaligtasan sa Iyong kaharian. Manalangin tayo.
Pari: MAKAPANGYARIHANG AMA, INIAALAY NAMIN ANG AMING MGA PANALANGIN NA SA TULONG NG AMING DEBOSYON KAY NUESTRA SEÑORA DE PEÑAFRANCIA, MATAPAT NAMING MAPALAGO ANG AMING ISPIRITUAL NA PAMUMUHAY AT MAGING TUNAY NA RESPONSABLE SA HAMON NG BAGONG EBANGHELISASYON AT PAGBABAGO. HINIHILING NAMIN ITO SA PAMAMAGITAN NI CRISTONG AMING PANGINOON. AMEN.
LITURHIYA NG EUKARISTIA
Pari: KAPURI-PURI KA, DIOS AMANG LUMIKHA SA SANLIBUTAN. SA IYONG KAGANDAHANG-LOOB, NARITO ANG AMING MAIAALAY. MULA SA LUPA AT BUNGA NG AMING PAGGAWA ANG TINAPAY NA ITO PARA SA MAGING PAGKAING NAGBIBIGAY-BUHAY.
Bayan: Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
Pari: KAPURI-PURI KA, O DIOS AMANG LUMIKHA SA SANLIBUTAN. SA IYONG KAGANDAHANG-LOOB, NARITO AND AMING MAIAALAY. MULA SA KATAS NG UBAS AT BUNGA NG AMING PAGGAWA ANG ALAK NA ITO PARA MAGING INUMING NAGBIBIGAY NG IYONG ESPIRITU.
Bayan: Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
Pari: MANALANGIN KAYO, MGA KAPATID, UPANG ITONG ATING SAKRIPISYO AY MAGING KALUGOD-LUGOD SA DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN.
Bayan: Tanggapin nawa ng Panginoon itong paghahain sa Iyong mga kamay sa kapurihan niya at karangalan, sa ating kapakinabangan at sa buong Sambayanan niyang banal.
PANALANGIN SA MGA HANDOG
Pari: MANALANGIN TAYO…
O PANGINOON,
SA PAGKALIHI AT PAGSILANG
SA IYONG ANAK,
ANG PAGKABIRHEN NG KANYANG INA AY HINDI NASIRA KUNDI NAGING BANAL. PAKUNDANGAN SA KANYANG PAGKAKATAWANG-TAO,
ILIGTAS MO KAMI SA KASALANAN AT
GAWING KALUGUD-LUGOD SA IYO
ANG AMING PAGHAHANDOG.
ALANG-ALANG KAY CRISTONG
AMING PANGINOON.
Bayan: Amen.
PREPASIO
Pari: SUMAINYO ANG PANGINOON.
Bayan: At sumainyo rin.
Pari: ITAAS SA DIOS ANG INYONG PUSO AT DIWA.
Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.
Pari: PASALAMATAN NATIN ANG PANGINOON NATING DIYOS.
Bayan: Marapat sa siya ay pasalamatan.
Pari: AMA NAMING MAKAPANGYARIHAN,
TUNAY NGANG MARAPAT
NA IKAW AY AMING PASALAMATAN
NGAYONG IPINAGDIRIWANG NAMIN
ANG KAARAWAN NG MAHAL NA BIRHEN NG PEÑAFRANCIA.
BUKOD MONG PINAGPALA SA BABAING LAHAT ANG MAHAL NA BIRHENG TOTOONG MAPALAD
NA IYONG PINILING MAGING INA NG IYONG ANAK NOONG ISUGO MO SIYA BILANG AMING MESIYAS.
SA KAPANGYARIHAN NG ESPIRITUNG BANAL ANG BIRHENG MARIA AY NAGING INANG TUNAY
NG IYONG ANAK NA KANYANG ISINILANG BILANG LIWANAG NITONG SANLIBUTAN.
KAYA KAISA NG MGA ANGHEL
NA NAGSISIAWIT NG PAPURI SA IYO
NANG WALANG HUMPAY SA KALANGITAN, KAMI’Y NAGBUBUNYI SA IYONG KADAKILAAN:
P & B: Santo, Santo, Santo, Diyos ng mga Hukbo. Ang langit at lupa napupuno ng Iyong kaluwalhatian. Hosana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparito sa ngalan ng Panginoon Hosana sa Kaitaasan!
Pari: AMA NAMING BANAL,
IKAW ANG BUKAL NG TANANG KABANALAN. KAYA’T SA PAMAMAGITAN NG IYONG ESPIRITU GAWIN MONG BANAL ANG MGA KALOOB NA ITO UPANG PARA SA AMI’Y MAGING KATAWAN AT DUGO + NG AMING PANGINOONG HESUKRISTO.
BAGO NIYA PINAGTIISANG
KUSANG LOOB NA MAGING HANDOG,
HINAWAKAN NIYA AN TINAPAY,
PINASALAMATAN KA NIYA,
PINAGHATI HATI NIYA IYON,
INABOT SA KANYANG MGA ALAGAD
AT SINABI:
TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN: ITO ANG AKING KATAWAN NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
GAYUN DIN NAMAN, NOONG MATAPOS AND HAPONAN, HINAWAKAN NIYA ANG KALIS, MULI KA NIYAN PINASALAMATAN, INIABOT NIYA ANG KALIS SA KANYAG MGA ALAGAD
AT SINABI:
TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN: ITO ANG KALIS NG AKING DUGO NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN, ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN. GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.
Pari/
Diyakono: IPAGBUNYI NATIN ANG MISTERYO NG PANANAMPALATAYA.
Bayan: Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!
Pari: AMA,
GINAGAWA NAMIN NGAYON ANG PAG-ALALA SA PAGKAMATAY AT MULING PAGKABUHAY NG IYONG ANAK
KAYA’T INIAALAY NAMIN SA IYO
ANG TINAPAY NA NAGBIBIGAY-BUHAY
AT ANG KALIS NA NAGKAKALOOB NG KALIGTASAN. KAMI’Y NAGPAPASALAAT DAHIL KAMI’Y IYONG MINARAPAT NA TUMAYO SA HARAP MO
PARA MAGLINGKOD SA IYO.
ISINASAMO NAMING KAMING MAGSASALU-SALO SA KATAWAN AT DUGO NI KRISTO AY MABUKLOD SA PAGKAKAISA SA PAMAMAGITAN NG ESPIRITU SANTO.
AMA,
LINGAPIN MO ANG IYONG SIMBAHANG
LAGANAP SA BUONG DAIGDIG.
PUSPUSIN MO KAMI SA PAG-IBIG
KAISA NI BENITO, ANG AMING SANTO PAPA, KASAMA NI LEONARDO AT JOSE NA SIYANG MGA OBISPO NG IYONG SAMBAYANAN DITO AT NG TANANG KAPARIAN.
Pari: ALALAHANIN MO RIN ANG MGA KAPATID NAMING NAHIMLAY NANG MAY PAG-ASANG SILA’Y MULING MABUBUHAY GAYUN DIN ANG LAHAT NG MGA PUMANAW. KAAWAAN MO SILA AT PATULUYIN SA IYONG KALIWANAGAN.
KAAWAAN MO AT PAGINDAPATIN KAMING LAHAT NA MAKASALO SA IYONG BUHAY NA WALANG WAKAS. KAISA NG MAHAL NA BIRHENG MARIA NA INA NG DIOS KAISA NG MGA APOSTOL AT NG LAHAT NG MGA BANAL NA NAMUMUHAY DITO SA DAIGDIG NANG KALUGUD-LUGOD SA IYO, MAIPAGDIWANG NAWA NAMIN
ANG PAGPUPURI SA IKARARANGAL MO
SA PAMAMAGITAN NG IYONG ANAK
NA AMING PANGINOONG HESUKRISTO.
SA PAMAMAGITAN NI KRISTO, KASAMA NIYA, AT SA KANYA ANG LAHAT NG PARANGAL AT PAPURI AY SA IYO,
DIOS AMANG MAKAPANGYARIHAN,
KASAMA NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN.
Bayan: Amen.
ANG PAGBIBIGAY NG KOMUNION
Pari: SA TAGUBILIN NG MGA NAKAGAGALING NA UTOS AT TURO NI HESUS NA PANGINOON NATIN AT DIOS IPAHAYAG NATIN NANG LAKAS-LOOB:
P & B: Ama namin, sumasalangit Ka. Sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo. Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin Mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso. At iadya Mo kami sa lahat ng masama.
Pari: HINIHILING NAMING KAMI’Y IADYA SA LAHAT NG MASAMA, PAGKALOOBAN NG KAPAYAPAAN ARAW-ARAW, ILIGTAS SA KASALANAN AT ILAYO SA LAHAT NG KAPAHAMAKAN SAMANTALANG AMING PINANANABIKAN ANG DAKILANG ARAW NG PAGPAPAHAYAG NG TAGAPAGLIGTAS NAMING SI HESUKRISTO.
Bayan: Sapagka’t Iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan at ang kapurihan magpakailan man! Amen.
Pari: O PANGINOONG JESUCRISTO, SINABI MO SA MGA APOSTOL: "KAPAYAPAAN ANG INIIWAN KO SA INYO. ANG AKING KAPAYAPAAN ANG IBINIBIGAY KO SAINYO." TUNGHAYAN MO ANG AMING PANANAMPALATAYA AT HUWAG ANG AMING MGA PAGKAKASALA. PAGKALOOBAN MO KAMI NG KAPAYAPAAN AT PAGKAKAISA AYON SA IYONG KALOOBAN. KASAMA NG ESPIRITU SANTO MAGPASAWALANG HANGGAN.
Bayan: Amen.
Pari: ANG KAPAYAPAAN NG PANGINOON AY LAGING SUMAINYO.
Bayan: At sumasaiyo rin.
Pari/
Diyakono: MAGBIGAYAN KAYO NG KAPAYAPAAN SA ISA'T ISA.
Bayan: Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos,
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos
na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob Mo sa amin ang kapayapaan.
Pari: ITO ANG KORDERO NG DIYOS. ITO ANG NAG-AALIS NG MGA KASALANAN NG SANLIBUTAN. MAPALAD ANG MGA INAANYAYAHAN SA KANYANG PIGING.
P at B: Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa Iyo nguni't sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako.
PANALANGIN SA PAKAKOMUNION
Pari: MANALANGIN TAYO…
O PANGINOON,
LAGI SANA NAMING MAKAMIT
ANG IYONG AWA SA MGA SAKRAMENTONG ITO.
DAHIL SA PAGKAKATAWANG-TAO
NG IYONG ANAK NA SI JESUCRISTO, ILIGTAS MO ANG MGA GUMAGALANG SA IYONG MAHAL NA INA, BILANG TANDA NG KANILANG MATIMYAS
NA PAGMAMAHAL SA IYO.
ALANG-ALANG KAY CRISTONG AMING PANGINOON.
Bayan: Amen.
Panalangin sa kafiestahan ni Birhen de Peñafrancia
Ititig mo sa akin ang iyong mahabagin na mga mata, O Birhen ng Peñafrancia, at kaawaan mong dumudulog sayo na puno ng pagsisisi. Alagaan mo ang aking pamilya, ang aking mga pinsan at mga tumutulong sa akin. Tulungan mo ang mga nananampalataya sayo, ang mga yumao na at mga buhay, lalong lalo na ang mga karapat dapat mong tulungan. Sa oras ng aking mga pag-aalin-langan, pagkukulang at paghihirap lalong lalo na sa aking pagkamatay, tulungan mo ako, sabihin mo na ako ay iyong taga-sunod, na dala ng malaking pagtitiwala sa iyong pagkalinga nakaluhod sa iyong paanan sa paghingi ng iyong pagtulong. Ina naming Birhen ng Peñafrancia, ipanalangin, tulungan at iligtas mo ako, Amen.
Salve Regina
Salve regina, mater misericordiae; vita dulcedo et spes nostra salve; ad te clamamus, exsules filii evae. Ad te susperamus, gementes et flentes, in hac larimarum valle, eia ergo, advocata nostra, illos tuos misericordes oculos ad nos converte. Et jesum, benedictum fructum ventris tui, nobis post hoc exsilium ostende. O clemens, o pia, o dulcis Virgo Maria.
V. ORA PRO NOBIS SANCTA DEI GENETRIX
R. Ut digni efficiamur promissionibus Christi.
OREMUS:
OMNIPOTENS SEMPITERNE DEUS, QUI GLORIOSAE VIRGINIS MATRIS MARIAE CORPUS ET ANIMAN, UT DIGNUM FILII TUI HABITACULUM EFFICI MERERETUR, SPIRITU SANCTO COOPERANTE PRAEPARASTI; DA UT CUJUS COMMEMORATIONE LAETAMUR, EJUS PIA INTERCESSIONE, AB INSTANTIBUS MALIS ET A MORTE PERPETUA LIBEREMUR; PER CHRISTUM DOMINUM NOSTRUM. AMEN.
ANG BENDISYON
Pari: SUMAINYO ANG PANGINOON.
Bayan: At sumainyo rin.
Pari: PAGPALAIN KAYO NG MAKAPANGYARIHANG DIYOS, AMA, ANAK, + AT ESPIRITU SANTO.
Bayan: Amen
Pari/
Diakono: TAPOS NA ANG MISA, HUMAYO KAYONG MAPAYAPA.
Bayan: Salamat sa Diyos.
text taken from http://www.penafrancia.netThe Basilica of Our Lady of Penafrancia, Basilica Minore, Balatas Road, Naga City Philippines 4400 Tel: (6354)473-3644 Fax: (6354)473-6914